Tag Archives: pamahiin
Suwail sa Pamahiin: Ikalimang Birit
Kamusta na mga kabayan? Akin pong muling tatalakayin ang ilang pamahiin na kinagisnan nating mga Pilipino. At gaya ng dati, humihingi ako ng abiso sa mga matatanda, at sa mga kababayang naniniwala sa mga pamahiing ito. Mawalang galang na lamang po.
1. Ang batang may dalawang puyo ay magiging makulit o matigas ang ulo.
Ang puyo (hair whorl) ay isang punto kung saan ang buhok ay tumutubong paikot. Nasa sinapupunan pa lang tayo ay mayroon na tayong puyo. Ang dami ng puyo o direksiyon ng ikot nito ay sang-ayon sa heredity o genetic make-up natin.
Alam ba ninyo na 90% ng mga kananete (hindi kaliwete), and ikot ng kanilang puyo ay clockwise, habang halos 50% ng mga kaliwete ang kanilang puyo ay counterclockwise?
Ngunit walang basehan sang-ayon sa siyensiya, na may kinalaman sa kulit o pagiging matigas ng ulo ang dami ng puyo.
Ang totoo lamang, ay mas mahirap ayusan ng buhok ang may dalawang puyo, dahil sa salu-salungat ang direksiyon ng kanilang buhok. Maaring pasaway ang kanilang buhok, ngunit hindi ang kanilang ugali.
2. Huwag buksan ang payong sa loob ng bahay, dahil ito raw ay malas, o baka malalaglagan ka ng ahas o butiki.
Naranasan mo na bang buksan ang basang payong sa loob ng inyong bahay upang patuyuin, ngunit binawalan ka ng matatanda dahil sa malas daw ito? Kung may ahas na malalaglag sa loob ng iyong bahay, ay talagang malas ka nga, o dapat ka lang lumipat ng tirahan! Kung sa butiki lang naman ang malalaglag, ay OK lang naman siguro iyon.
Walang katotohanang malas ang magbukas ng payong sa loob ng bahay. Ang nakikita ko lang na hindi maganda ay kung maglalakad kang nakapayong sa loob ng iyong bahay, dahil maaring matabig mo ang mga babasagin sa inyong bahay.
Pero bakit ka nga naman magpapayong sa loob ng bahay? Maliban na lang kung may butas ang inyong bubong o may tumutulong tubig sa inyong kisame, ay OK lang na magpayong. Huwag mo ring tangkaing lumabas ng pinto na nakabukas ang payong. Hindi ka kakasya!
3. Huwag isukat ang damit pangkasal o trahe de boda, dahil ito ay malas, at hindi matutuloy ang iyong kasal.
Hindi lang mga Pilipino ang may paniniwala na malas ang isukat ang damit pang-kasal bago ka ikasal. Malas din daw kung mapunit ang damit. At huwag din daw susulsihin ng ikakasal ang napunit na damit.
Pero para sa akin ay mas malas kung hindi mo isinukat ang trahe de boda, at sa araw ng kasal mo lang malalaman na hindi pala kasya ang damit. At kung iyong pagpipilitang isuot ang napakasikip na damit, dahil hindi mo isinukat, ay baka lang lalo itong mapunit.
At kapag hindi nagkasya ang damit, hindi ka rin naman siguro papayagan ng Pari na maglakad sa simbahang belo at underwear lang ang iyong suot. Lalong hindi matutuloy ang kasal!
4. Kapag naliligaw, baliktarin ang damit, para hindi ka na maligaw.
Ano kamo? Maliban na lang kung ang suot mong damit ay may built-in na GPS na nakatago sa loob nito, o kaya nama’y may nakatatak na mapa sa loob ng iyong damit, ay kailangan mong baliktarin ang iyong damit, kapag ikaw ay naliligaw.
Kung walang mapa o GPS sa loob ng iyong damit, huwag mo nang baliktarin pa ang suot mo. Dahil kung hindi, ligaw ka na nga, mukha ka pang tanga dahil sa baliktad pa ang iyong damit!
Buti pa, humanap ka na lang ng mapagtatanungan.
5. Huwag mag-regalo ng sapatos o tsinelas. Aapakan o sisispain ka ng iyong niregaluhan.
Sasabihin kong mahirap magregalo ng sapatos o tsinelas, dahil dapat alam mo ang eksaktong sukat ng paa ng iyong reregaluhan, at baka hindi ito magkasya. Dapat alam mo rin ang kanilang gustong moda at style. Dahil baka rinegaluhan mo ng cowboy boots, e combat boots pala ang kanyang hilig.
Pero gayun pa man, siguro ay pasasalamatan ka pa rin naman nila kahit hindi nila masyadong gusto ang bigay mong sapatos o tsinelas, at hindi ka nila aapakan o sisipain. Walang katotohanan ito.
Totoo lang ang kasabihang ito kung ang regalo mong sapatos ay parehong kaliwa. Talagang sipa ang aabutin mo.