Pages

Tuesday, 30 June 2015

Pamahiin sa Kasalang Filipino

Pamahiin sa Kasalang Filipino


Likas ang sampalataya ng mga Filipino sa mga Pamahiin. Subalit ang pamahiin ay isang walang basehang paniniwala hinggil sa mga bagay-bagay na wala namang relasyon sa isa't isa. Aminin man o hindi, malaki ang nagagawang impluwensiya ng mga pamahiin sa usaping kultura, buhay, kabiguan, tagumpay, kalungkutan at kaligayahan ng mga Filipino.
Malawak ang nasasakupang aspeto ng mga pamahiin. Apektado nito ang maraming bagay mula sa pakikipag-isang dibdib, pagdadalantao, pagluluwal ng sanggol, at maging hanggang sa kamatayan. Narito ang ilan lamang sa mga pinaniniwalaan at sinunod na mga Pamahiin sa Kasalang Filipino:
Bago ang Kasal
  • Huwag magligpit ng pinagkainan hangga't hindi pa tapos kumain ang lahat.Hindi makapag-a-asawa ang taong naiwan.
  • Bawal isukat ng babaeng ikakasal ang kaniyang traje de boda o ang kaniyang pangkasal sa dahilang hindi matutuloy ang kaniyang pakikipag-isang dibdib.
  • Hindi raw dapat magkita ang lalaki at babaeng ikakasal isang araw bago ang takdang araw ng kanilang pag-i-isang dibdib. Magkikita lamang sila sa araw mismo ng kanilang kasal.
  • May kasabihan na ang ikakasal ay lapitin sa sakuna o disgrasya kung kaya't habang palapit ang araw ng kasal ay ipinagbababawal na ang kanilang pagbibiyahe ng malayo upang maiwasan ang anumang hindi magandang mangyayari.

Araw ng Kasal
  • Ang bride lang ang dapat na nakasuot ng puti sa araw ng kanyang kasal.
  • Malas daw ang magsuot ng perlas ang ikakasal na babae dahil puro luha raw ang idudulot ng pagsasama nila ng kanyang mapapangasawa.
  • Kung umulan raw ng umaga ng kasal mo, ipinapayo ang pagsasabit ng rosaryo sa sampayan at siguradong sisikat ang araw sa oras ng iyong kasal.
  • "Something old, something new, something borrowed, something blue and a sixpence in her shoe". Ito ang karaniwang kasabihan sa Ingles na kabisado ng mga brides. Sa mismong seremonyas ng kasal, dapat ay may isang gagamitin ang bride sa kaniyang katawan na hiniram, may gagamitin siyang luma at mayroon ding bago. Ang ibig sabihin ng "something old" o ang pagsusuot ng lumang gamit sa katawan ng bride ay ang pananatili daw ng pagkakaibigan ng mag-asawa. Ang "something new" o pagsusuot ng bagong gamit ay sumisimbolo ng pagkakaroon ng masaganang buhay, kaligayahan at kalusugan ng pamilya. Pagkakataon na raw ng pamilya na makapagpahiram ng isang mahalagang bagay sa "something borrowed" pero kailangang ibalik ito ng bride bilang tanda ng swerte. Nagsimula naman daw ang "something blue" noong naglalagay ang mga Israel na babae ng asul na laso sa kanilang mga buhok na sumasagisag ng katapatan. Ang sampera sa sapatos ng bride ay simbolo rin daw ng kaginhawaan sa darating na buhay may-asawa.
  • Kinakailangang maunang dumating sa simbahan ang lalaking ikakasal sa kanyang bride upang maiwasan ang malas.
  • Huwag hayaang mahulog ang belo at aras, higit lalo ang mga singsing bago ito maisuot ng ikakasal sapagkat magdudulot daw ito ng kamalasan sa buhay ng bagong mag-asawa.
  • Kapag natapakan ng bride ang paa ng groom habang sila ay sumasayaw, maa-"under" daw ito habang buhay o madodominahan ng babae ang asawang lalake.
  • Kapag namatay ang kandila sa may tabi ng isa sa ikinakasal, ito ay mauunang mamamatay sa kaniyang kabiyak.
  • Hangga't maaari, huwag pabayaang maunang lumabas ang bride sa pintuan ng simbahan sa dahilang madadaig daw niya ang groom sa pagpapatakbo ng kanilang buhay.
  • Senyales daw ng pertilidad ang pagsasabog ng bigas sa bagong kasal habang palabas ng simbahan.
  • Kapag ang buwanang dalaw ng babaeng ikakasal ay pumatak sa mismong araw ng kanyang kasal, mabibiyayaan daw sila ng maraming anak.
Resepsyon/Mga Regalo
  • Kapag hindi gaanong lumipad sa oras ng kasal ang kalapati ng groom, matatalbugan ang lalaki sa propesyon o karera ng babaeng ikakasal.
  • hindi raw dapat na magbibigay ng mga kutsilyo o ano pang mga kasangkapan na matulis o matalas dahil magkakahiwalay raw ang mag-asawa. At kung meron ngang matatanggap na ganitong regalo, kailangan raw na magbigay ng maliit na halaga (piso o mamera) ang bagong kasal sa nag-regalo para lumabas raw na "bili" ito at hindi "regalo".
  • Ang pagbibigay ng arinola ay sinasabing magbibigay ng swerte sa mag asawa.
  • Maswerte rin daw kung magbabasag ang bagong kasal ng isang bagay sa resepsyon.
  • Ang bagong kasal ang unang naghahati ng wedding cake bilang tanda ng kanilang pagsasama habang buhay. Ang mga bisita ay nakikisalo sa keyk upang sila rin ay swertihin. Para naman sa mga dalaga, sinasabing maglagay daw ng maliliit na piraso ng keyk sa ilalim ng unan upang mapanaginipan kung sino ang kanilang mapapangasawa.
  • Mas maraming pagkain ang nakahanda sa resepsyon, mas maraming biyaya ang matatanggap ng mag-asawa.

-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 

No comments:

Post a Comment