Ang Limang Katangian ng Isang Magaling na Pinuno
Ang isang magaling na pinuno ay may limang katangiang dapat taglayin. Siya ay dapat matalino, mapagkakatiwalaan, mapagmahal, matapang at istrikto.
Ayon sa aklat na Sun Tzu: War and Management, “a capable general must possess five important qualities or attributes. These attributes are wisdom, sincerity, benevolence, courage and strictness.”
“Wisdom”
Dapat ang isang pinuno ay may kakayahang gumawa ng plano. Kakambal ng magaling at epektibong pagpaplano ay ang kakayahang hulaan ang mga suliraning maaaring kakaharapin – na magiging basehan sa paggawa ng contingency plan o tinatawag din nating “Plan B”. Alam ng isang maabilidad na pinuno kung ano ang gagawin sa bawat problemang haharapin niya at ng kanyang nasasakupan.
Ang isang matalinong pinuno ay hindi tumitigil sa pag-aaral upang mapalawak pa ang kanyang mga kaalaman at talento, nang sa gayun maibahagi niya ito sa kanyang mga tauhan. Patuloy niyang dinaragdagan ang kanyang kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat, pakikipag-usap sa mga taong may angking galing at kaalaman, at kahit sa pakikinig sa kanyang mga tauhan.
Utak at talino ang pinakamahalagang sandata ng isang magaling na pinuno.
“Sincerity”
Ang isang pinunong hindi kayang makuha ang pagtitiwala ng kanyang mga tauhan ay hindi susundin nila. Ang isang magaling na pinuno ay dapat may kakayahang makuha ang tiwala ng iba. Upang pagkatiwalaan, dapat maging tapat ang isang pinuno sa kanyang mga sinasabi o ipinapangako. Ang pagbibigay ng kasiguraduhan sa pamamagitan ng pangangako ay mabuti, ngunit pag hindi ito na panindigan ng isang pinuno, ito ang magiging dahilan ng kanyang pagbagsak. Hindi sinasabi ng isang epektibong pinuno ang mga bagay na hindi niya gagawin o hindi niya kayang gawin. Pagsinabi niya, ginagawa niya.
Ang isang magaling na pinuno ay patas sa lahat sa pagbibigay ng parangal at kahit sa pagbibigay ng disiplina at parusa. Sinisigurado niya na hindi makikita o mararamdaman ng kanyang mga tauhan na siya ay may kinakampihan o kinikilingan sa kanyang mga tauhan. Ang tinatawag nating favoritism ay nakakabawas, kung hindi man nakakasira, sa pagtitiwala ng iba.
Ang pagkakaroon ng isang salita ay isa sa mga paraan upang ang isang pinuno ay pagkatiwalaan. Nakakasira ang pagbibigay ng pabago-bagong desisyon. Ipinapakita ng pabago-bagong desisyon na ang isang pinuno ay may kakulangan sa paggawa ng tama at epektibong desisyon.
Ang magaling na pinuno ay pinapaulanan ng suporta dahil siya ay karapat-dapat sa pagtitiwala ng lahat.
“Benevolence”
Ayon sa aklat ni Rick Warren na Purpose Driven Life, “Love is the best use of life.” Ang isang magaling na pinuno ay may kakayahang magpakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kanyang mga nasasakupan.
Ang bawat tao sa mundo nangangailangan ng pagmamahal. Hindi nakakalimutan ng isang pinuno na ibigay ang pangangailangan na ito sa kanyang nasasakupan. Ayon pa nga sa isang kasabihan, “Love can move mountains.” Pag naipadama ng isang pinuno na mahal niya ang kanyang nga tauhan, mamahalin at susundin siya ng mga ito.
Maraming dahilan kung bakit sinusunod ang isang pinuno. Ilan sa mga ito ay dahil sa paniniwala, takot, parangal, karangalan o pansariling interes. Ngunit ang isang pinunong may angking kabutihan ay sinusunod dahil sa pagmamahal.
Pinuno man o simpleng tauhan, lahat ay napapagod at nahihirapan din. Kailangang pahalagahan ng isang pinuno ang mga paghihirap at mga nagawang tulong ng kanyang mga tauhan. Ang simpleng pagsasabi ng mga katagang “Very Good”, “Thank You”, “How Are You”, “Good Work” ay malaking bagay na para mahaplos ng isang pinuno ang mga puso ng kanyang nasasakupan.
Ang simpleng pakikipag-usap o pangungumusta sa mga tauhan ay nakakatulong upang mapanatili ang magandang relasyon na kinakailangan ng isang pinuno.
Sinusundan ng nakararami ang pinunong naglalayag sa karagatan ng pagmamahal.
“Courage”
Hindi sinasaluduhan nino man ang isang pinunong may pusong puno ng karuwagan. Ang buhay ay isang laban, at kailangan ng katapangan upang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Ang mga taong may sapat na tapang upang makipagsapalaran at makamit ang iisang mithiin ay pinapamunuan ng isang matapang na lider.
Alam ng lahat ng matatalinong pinuno na ang sobrang katapangan ay isang kahangalan. Ang matapang na pinuno ay hindi ang tipong hindi natatakot sa lahat ng bagay. Kung nakakaramdam man ng takot ang isang magaling na pinuno, ito ay hindi dahil siya ay duwag, kundi siya ay matalino at nakikita niya ang maaaring kabiguan kapag sila ng kanyang mga tauhan ay nagkamali at hindi nagtagumpay.
Ang matapang na pinuno ay hindi natatakot tumanggap ng mga tungkulin at responsibilidad na naka-atang sa kanya. Hindi siya natatakot tumanggap ng mga pagsubok, kahit pa ito ay bago sa kanya. Ang matapang na pinuno ay hindi natatakot o nagdadalawang isip na gawin ang mga bagay na tama at makatarungan.
Si Simba ng cartoon film na Lion King ay gumawa ng mga bagay na muntik na niyang ikapahamak dahil gusto niyang tularan ang katapangan ng kanyang ama na si Mofasa. Ito ang sinabi ng kanyang ama sa kanya, “I am only brave if I have to.”
Ayon pa kay Sifu ng pelikulang MagicTemple, “Ang labis ng katapangan ay katangahan.”
“Strict”
Ang disiplina sa bawat pangkat o organisasyon ay mahalaga. Kasing halaga nito na magkaroon ang isang magaling na pinuno ng kakayahang disiplinahin ang kanyang mga tauhan.
Iba ang isang istriktong pinuno sa isang malupit na pinuno. Ang pagiging istrikto ng isang pinuno ay dapat makatarungan at naaayon sa batas. Dahli dito, mahalaga sa isang organisasyon ang magkaroon ng matibay at makatarungang batas na susundin ng bawat kasapi nito. Ang pagsunod sa batas ay hindi lang ang nag-iisang tungkulin ng isang pinuno. Ang pagpapatupad sa mga batas na ito ay kasing halaga ng pagsunod nito. Tandaan na ang bawat kaparusahan sa sinumang lalabag sa batas ay dapat makatarungan.
Kung magbibigay man ng isang kaparusahan ang isang magaling na pinuno sa kanyang mga tauhan dahil sa mga nagawa nitong pagkakamali, kasalanan o pagkukulang, siya ay maingat na hindi nahahaluan ng galit ang kanyang paraan ng pagdidisiplina. Alam ng isang pinuno na lahat ng tao ay nagiging halimaw pagnagagalit.
Sinisigurado din ng isang magaling na pinuno na malinaw at naiintindihan ng kanyang mga tauhan ang kanyang mga panuto o kautusan na kanyang ibinibigay.
Ang istriktong pinuno ay iginagalang ng kanyang mga tauhan, at natatakot sila sa maaaring kaparusahang matatanggap nila kapalit ng mga pagkakamaling magagawa nila.
APPROVED
No comments:
Post a Comment